Ngayon na ang tamang panahon para talakayin ang pag-amyenda sa ilang probisyon ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Concon), ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla Lunes ng gabi.
Iginiit ito ni Padilla sa bisperas ng kanyang pamumuno sa pagdinig sa Senado tungkol sa pag-amyenda sa 1987 Constitution – kabilang ang resolusyon para sa isang Constitutional Convention para amyendahan ang Saligang Batas.
“Yan ay napapanahon. Ako ay matagal nang nagsusulong na ating bisitahin ang pag-amyenda ng Constitution. At nakikita natin walang pinakamagandang moda kundi magkaroon tayo ng Concon,” aniya.
Ayon kay Padilla, marami ang isyu sa 1987 Constitution, kasama ang pag-“centralize” ng kapangyarihan sa “Imperial Manila”; at ang panawagan ng ilang lokal na opisyal para sa mas mahabang termino para maipatupad nila ang kanilang programa.
Isa pang isyu, aniya, ang mga probisyon ng Saligang Batas laban sa political dynasties – na hanggang ngayon ay hindi pa natutupad.
“Kailangan natin maliwanagan pati po ang mga bagay na may kinalaman sa pag-decentralize ng kapangyarihan ng Imperial Manila. Kailangan nang gawin yan. Isa pa diyan ang tinatawag nating laging issue yan ngayon laging pinaguusapan, political dynasty,” aniya.
“Ang daming pwedeng kailangang pagusapan na ngayon na. At yan ang Concon naniniwala tayo ito na ang panahon,” dagdag niya.