MANILA, Philippines — Nanawagan si dating Senador Leila De Lima nitong Martes na magbitiw sa pwesto si Solicitor General Menardo Guevarra matapos nitong umatras sa paghawak ng mga petisyon kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinuna ni De Lima ang Pag-atras ni Guevarra
Sa isang video statement, iginiit ni De Lima na sa halip na umiwas sa kaso, dapat ay magbitiw na lang si Guevarra sa administrasyong Marcos, dahil ang kanyang pag-atras ay nagpapahina sa posisyon ng gobyerno bago pa man umusad ang mga argumento sa certiorari at habeas corpus petitions na isinampa nina Duterte, Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, at mga anak ni Duterte.
“Instead of recusing himself, the Solicitor General should immediately resign from the BBM administration. His recusal only serves to undermine the position of the government even before the issues have been joined in the certiorari and habeas corpus petitions filed by Duterte, Dela Rosa, and the Duterte siblings,” aniya.
Dagdag pa niya, pangunahing tungkulin ng Solicitor General na ipagtanggol ang gobyerno, at kung hindi ito magagawa ni Guevarra, mas makabubuting magbitiw na siya.
“The primary obligation and duty of a Solicitor General is to defend the government. If he cannot defend the government, not even on the basis of conflict of interest, but on insisting on a personal, legal opinion that is not even crucial to defending the public officials involved, it is time for him to go,” dagdag niya.
Pinaghihinalaang May Loyalty pa rin kay Duterte
Pinuna rin ni De Lima ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na italaga si Guevarra bilang Solicitor General, na sinasabing isa itong tagasuporta ni Duterte na maaaring sumasabotahe sa kasalukuyang administrasyon.
“He now appears to be, in fact, the Duterte sleeper agent out to sabotage the BBM administration,” aniya.
Noong Lunes, naghain ng manifestation sa Korte Suprema (SC) ang Office of the Solicitor General (OSG) upang umatras sa habeas corpus petitions na isinampa nina Veronica “Kitty” Duterte, Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte.
Hinihiling ng petisyon na palayain at ibalik sa Pilipinas ang dating pangulo, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands, kung saan siya nahaharap sa mga kaso ng crimes against humanity dahil sa mga umano’y extrajudicial killings sa kanyang kampanya laban sa droga.
Sa isang siyam na pahinang mosyon, ipinaliwanag ng OSG na umatras sila sa kaso dahil sa kanilang matibay na paniniwala na “hindi maaaring magpatupad ng hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.”
Mali ang Legal na Posisyon ni Guevarra, Ayon kay De Lima
Pinuna rin ni De Lima ang legal na posisyon ni Guevarra, na aniya ay taliwas sa desisyon ng Korte Suprema sa Pangilinan v. Cayetano.
Sa nasabing desisyon, idineklara ng SC na kahit umalis ang Pilipinas sa ICC noong 2019, nananatili pa rin ang hurisdiksyon ng ICC sa mga krimeng ginawa bago pa man ang pagkalas ng bansa.
“This is unprecedented in the history of the OSG, of a Solicitor General putting his entire office and all government solicitors under him in a very prejudicial position that could almost ruin the whole agency, not to mention the entire government,” ayon kay De Lima.
Guevarra at Malacañang, Nagbigay ng Tugon
Samantala, sinabi ni Guevarra na ipinauubaya niya sa Pangulo ang desisyon kung mananatili siya bilang Solicitor General.
Hinikayat naman ng Malacañang si Guevarra na suriin ang sarili kung nararapat pa siyang manatili sa posisyon matapos ang kanyang pag-atras sa kaso.
“Siguro mas maganda kung mismo si SolGen ang mag-assess sa sarili niya kung siya pa po ba ay nararapat na tumayo bilang Solicitor General,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing.
Sinabi rin ni Castro na wala pang pag-uusap kung ang desisyon ni Guevarra ay may kinalaman sa kanyang dating posisyon bilang kalihim ng hustisya sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng paghahanap ng bagong Solicitor General na handang ipagtanggol ang interes ng gobyerno.
“It is very important. It’s very significant to get another lawyer who is very competent and very effective in defending the causes of the government,” aniya.