December 23, 2024

December 23, 2024

May pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa publiko tungkol sa isyu sa West Philippine Sea (WPS), at para makakuha ng suporta para sa Philippine Coast Guard at ibang ahensyang kasama sa pagtanggol ng ating teritoryo.

Ibinunyag ito ni Padilla nitong Miyerkules sa isang seremonya sa BRP Teresa Magbanua, kung saan na-promote ang aktor na si Gerald Anderson Jr. na maging auxiliary captain sa PCG. Ani Padilla, bibida si Anderson sa sine.

“Gagawa po kami ng public information na pelikula na pinagbibidahan po ni Gerald,” ani Padilla, na tagapangulo ng Senate committee on public information and mass media.

Aniya, ipapakita rin ng sine na malaki ang pwedeng maging papel ng entertainment industry sa paglaban sa fake news.

“Ang kababayan nating nabubuhay ngayon siguro 90% fake news, siguro magamit nyo ang artista para magbigay ng tamang impormasyon lalo sa ganap natin di lang sa loob ng ating bansa kundi sa ating teritoryo,” aniya.

Binati ni Padilla si Anderson sa kanyang promosyon, dahil isa siyang halimbawa hindi lang ng isang seryoso at dedicated na aktor kundi isang Pilipinong mahal ang bayan at sumali sa Coast Guard Auxiliary.

Muling nanawagan ang mambabatas sa mga blogger at nagtatrabaho sa media – lalo ang may impluwensya – na maging Coast Guard reservists din.

“Sana ang bloggers at nasa media, mag-reservist din kayo, pumasok sa PCG, makasama si Gerald at ibang artista na nagbibigay ng serbisyong libre. Kumbaga ang buhay nila, literal yan, na sinasang-alang-alang ang buhay nila,” aniya.

“Sana tulungan nyo kami sa showbiz din na meron kaming isang mukha. At ang mukhang yan magagamit ninyo para sa public information. Gamitin nyo kami, gamitin nyo sila,” dagdag niya.

Noong Hulyo, ihinain ni Padilla ang Senate resolution na nanawagan ng promosyon at pagpuri kay Anderson, na tumulong sa mga residente ng Quezon City na apektado ng bahang dulot ng Super Typhoon Carina at habagat.

Samantala, idiniin ni Anderson na “very inspiring” ang makasama si Padilla at opisyal ng Coast Guard sa pamumuno ni Admiral Ronnie Gil Gavan. Dagdag niya, idolo niya si Padilla, at ang pagkilala ni Padilla sa kanyang nakamtan “inspires me to be even a better person.”