December 25, 2024

December 25, 2024

Dapat maging maingat sa cyber libel dahil sa mga potensyal na epekto nito sa buhay ng mga indibidwal. Nagaganap ang cyber libel o online defamation kapag ang mga pekeng pahayag ay ginawa na nakasisira sa reputasyon ng isang tao o organisasyon, maaaring kumalat agad ang mga pahayag na ito at may mahabang epekto sa personal o propesyunal na buhay ng isang tao.

Mahalaga na maging maingat sa kung ano ang ating sinasabi o ibinabahagi online at patunayan ang impormasyon bago ito isapubliko.

Si Doc Leachon ay sinampahan ng kasong cyberlibel sa National Bureau of Investigation ng Bell-Kenz Pharma Inc dahil sa pagpapakalat sa online ng “malicious, reckless, and baseless” accusations.

Inaakusahan ni Dr Leachon, isang heath advocate at kilala sa medical community, ang Bell-Kenz na sangkot sa “unethical practices”.

Isa sa mabigat na bintang ni Dr Leachon sa Bell-Kenz ay sangkot ito sa multi-level marketing at pyramiding schemes gayundin ay nag aalok ng mga magagarbong incentives sa mga doktor na magrereseta ng kanilang gamot.

Sa mga pahayag ni Dr Leachon ay sinabi nyang ilang “whistleblowers” ang lumapit sa kanya at nagkumpirma ng mga nasabing impormasyon na sya nyang isinapubliko.

Sa ganitong pag-amin ni Dr Leachon ay malinaw na hearsay lamang at walang sapat na katibayan ang mga ipinalalabas niya, lumalabas na wala itong “first hand” information ukol sa kanyang mga binibintang sa Bell-Kenz Pharma.

Sa kanilang isinampang cyber libel case sa NBI sinabi ni Bell-Kenz Corporate Secretary Atty. Joseph Vincent Go na pawang walang basehan ang alegasyon ni Dr Leachon at sa tindi ng kanyang mga paninira ay nagresulta na ito ng pagkasira ng kanilang reputasyon bilang isang mapagkakatiwalaang pharmaceutical company.

Hindi lamang ang pangalan ng kumpanya ang nasira kundi nagresulta din ito ng pagkasira sa reputasyon ng mga doktor na mas pinipili na magreseta ng mga gamot na gawa ng Bell-Kenz na 30% na mas mura kaysa sa iba.

Desidido ang Bell-Kenz na ipagtanggol ang kanilang kumpanya at inihahanda pa umano nila ang iba pang kaso laban kay Dr Leachon.

Sinabi ni Atty Go na handa silang humarap sa mga imbestigasyon na gagawin ng Senado o ng iba pang government health regulatory bodies subalit ang kanilang hiling ay mabigyan sila ng patas na pagtrato.

Isa sa hiling ng Bell-Kenz sa NBI ay maalis sa social media ang mga
“damaging posts” na pawang sinabi ni Dr Leachon nang walang sapat na ebidensya.

Mabigat ang mga paratang ni Dr Leachon sa Bell-Kenz lalo at kilala pa sya sa health community kaya dapat ay naging mas mapanuri ito sa kanyang mga bintang.

Kung ating hihimayin ang mga bintang ni Dr Leachon kung saan sinabi nya na sangkot sa Multi-level marketing (MLM) at pyramiding schemes ang Bell Kenz ay posibleng hindi ito tama, ang MLM at pyramiding scheme kasi ay nakasentro sa recruitment ng tao ngunit sa kaso ng Bell-Kenz ay nagbebenta ito ng pharmaceutical products at hindi nag-ooperate sa pamamagitan ng recruitment incentives.

Sa isyu naman na nagbibibigay ito ng magarbong regalo sa mga doktor gaya ng mga trip abroad at mamahaling gamit, marahil ay masasabi natin na luma na ang ganitonhg isyu.

Bagamat “unethical” nga ang ganitong gawain ay hindi natin maitatanggi na hindi lamang ang Bell Kenz ang gumagawa nito kundi maging ibang mga pharmaceutical companies.

Kung ang ganitong practice ang ibibintang sa Bell Kenz ay hindi lamang dapat sila ang imbestigahan ng Senado sa isyung ito kundi ang buong industiya ng pharmaceutical.

Giit pa ni Dr Leachon na ang Bell-Kenz ay pagmamay-ari ng mga doktor, muli babalik tayo sa dati nang kuwestiyon, ang mga ospital, testing centers, drug stores at iba pa ay kadalasan din na pagmamay ari ng mga doktor kaya naman kung ang Bell-Kenz ay may mga doktor na kabilang sa may ari ay maaari nating sabihin na ito ay “non issue”.

Kung ating hihimayin ay tila pasok nga sa cyberlibel si Dr Leachon dahil nauna ang bintang bago ang ebidensya, bukod pa dito, ang mga isyung inilabas nya ay hindi na bago dahil ito na ang kadalasang inuugnay sa mga pharma companies.

Ang malaking tanong lamang natin ay bakit kaya ang Bell-Kenz ang pinupuntirya? Marahil ay malaki itong kumpanya at maraming mga magagandang gamot kaya mas pinipili ng mas maraming doktor.